Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 27:8-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”

9. Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh.

10. Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

11. Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel,

12. “Pagkatawid ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala.

13. Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa.

14. Ganito naman ang isisigaw ng mga pari:

15. “‘Sumpain ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’“Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’

16. “‘Sumpain ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

17. “‘Sumpain ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’