Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 25:2-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan.

3. Apatnapu ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao.

4. “Huwag ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.

5. “Kung may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay.

6. Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito.

7. Kung ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’

8. Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya,

9. lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’

10. At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.