Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 23:6-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana.

7. “Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain.

8. Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi.

9. “Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo.

10. “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik.

11. Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo.

12. “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran.

13. Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi.

14. Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo.

15. “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo.

16. Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin.