Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 23:18-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.

19. “Huwag kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan.

20. Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

21. “Huwag ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon.

22. Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata.

23. Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh.

24. “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi.

25. Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit.