Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 22:6-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. “Kung may makita kayong pugad ng ibon, sa lupa o sa punongkahoy, na may inakay o kaya'y may nililimlimang itlog, huwag ninyong huhulihin ang inahin.

7. Maaari ninyong kunin ang inakay o ang itlog ngunit pakawalan ninyo ang inahin upang mabuhay kayo nang mahaba at masagana.

8. “Lagyan ninyo ng harang ang bubong ng bahay na gagawin ninyo upang hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon.

9. “Huwag ninyong tatamnan ng magkaibang binhi ang inyong ubasan; kapag ginawa ninyo iyon, ang bunga ng ibang binhi at ng inyong ubas ay dapat dalhing lahat sa santuwaryo.

10. “Huwag ninyong pagsasamahin sa iisang araro ang baka at ang asno.

11. “Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa pinagsanib na lana at lino.

12. “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na sulok ng inyong balabal.

13. “Kung pinakasalan ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos magtalik ay inayawan niya ang babae,

14. at pinagbintangang hindi na ito birhen nang pakasalan niya,

15. dudulog sa matatandang pinuno ng bayan ang mga magulang ng babae, dala ang katibayan ng pagkabirhen ng kanilang anak nang ito'y mag-asawa.

16. Ganito ang sasabihin ng ama, ‘Ipinakasal ko sa lalaking ito ang anak kong babae ngunit ngayo'y ayaw na ng lalaking ito ang anak ko.

17. Sinira niya ang puri ng aking anak at ipinamalita niyang hindi na ito birhen nang pakasalan niya. Subalit narito po ang katunayan ng kanyang pagkabirhen.’ At ilalagay nila sa harapan ng matatandang pinuno ang damit na may bahid ng dugo ng babae.

18. Pagkatapos nito, huhulihin ng mga pinuno ng bayan ang lalaki at kanilang hahagupitin.

19. Bukod doon, siya'y pagmumultahin ng sandaang pirasong pilak at ito'y ibibigay sa ama ng babae dahil sa ginawa niyang paninirang-puri sa isang babaing Israelita. Sila'y mananatiling mag-asawa, at ang babae'y hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki habang siya'y nabubuhay.

20. “Ngunit kung totoo ang bintang, at walang makitang katunayan ng pagiging birhen,

21. ilalabas ang babae sa may pintuan ng bahay ng kanyang ama. Babatuhin siya roon ng mga kalalakihan ng lunsod, hanggang sa mamatay sapagkat gumawa siya ng malaking kasalanan sa bahay mismo ng kanyang ama, at ito'y kasuklam-suklam na gawain sa Israel. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan.