Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 22:1-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa Israelita, huwag ninyo itong pababayaan; hulihin ninyo at dalhin sa may-ari.

2. Kung malayo ang tirahan ng may-ari o kung hindi ninyo alam kung kanino, iuwi muna ninyo ito at hintaying hanapin ng may-ari saka ninyo ibigay.

3. Ganyan din ang gagawin ninyo sa asno, damit o anumang bagay na inyong napulot na maaaring naiwala ng isang Israelita; ibalik ninyo sa may-ari.

4. “Kapag nakita ninyong nabuwal ang baka o asno ng inyong kapwa, tulungan ninyong ibangon iyon.

5. “Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

6. “Kung may makita kayong pugad ng ibon, sa lupa o sa punongkahoy, na may inakay o kaya'y may nililimlimang itlog, huwag ninyong huhulihin ang inahin.

7. Maaari ninyong kunin ang inakay o ang itlog ngunit pakawalan ninyo ang inahin upang mabuhay kayo nang mahaba at masagana.

8. “Lagyan ninyo ng harang ang bubong ng bahay na gagawin ninyo upang hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon.

9. “Huwag ninyong tatamnan ng magkaibang binhi ang inyong ubasan; kapag ginawa ninyo iyon, ang bunga ng ibang binhi at ng inyong ubas ay dapat dalhing lahat sa santuwaryo.

10. “Huwag ninyong pagsasamahin sa iisang araro ang baka at ang asno.

11. “Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa pinagsanib na lana at lino.