Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 21:6-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Ang mga pinuno ng lunsod na malapit sa pinangyarihan ng krimen ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka.

7. Sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay. Hindi rin namin alam kung sino ang gumawa nito.

8. Patawarin mo po, Yahweh, ang iyong bayang Israel na iyong iniligtas. Huwag mo po kaming panagutin sa pagkamatay ng taong ito.’

9. Hindi kayo mananagot sa mga ganitong pangyayari kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.

10. “Kung pagtagumpayin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh sa pakikipagdigma sa inyong mga kaaway at sila'y mabihag ninyo,

11. at kung sakaling may makita kayong magandang babae mula sa mga bihag at nais ninyo itong maging asawa,

12. dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko,

13. at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan.

14. Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri.

15. “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal,

16. huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal.

17. Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal.

18. “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina,