Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 21:12-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko,

13. at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan.

14. Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri.

15. “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal,

16. huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal.

17. Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal.

18. “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina,

19. siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa pinuno ng bayan.

20. Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo at suwail ang anak naming ito; at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay ang aming kayamanan.’

21. Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang sa mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya. Mapapabalita ito sa buong Israel at matatakot silang tumulad doon.

22. “Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan,

23. hindi dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.