Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 20:1-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.

2. Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya

3. ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot

4. sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’

5. Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya.

6. Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan.

7. Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal.

8. Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’

9. Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.

10. “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko.

11. Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo.

12. Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila.