Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 2:20-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Ang lupaing iyon ay dating sakop ng mga Refaim, na ang tawag ng mga Ammonita ay Zamzumim.

21. Marami rin sila at malalaking tulad ng mga higante. Ngunit pinuksa sila ni Yahweh; kaya't itinaboy sila ng mga Ammonita upang ang mga ito ang tumira roon.

22. Gayundin ang ginawa ni Yahweh sa lahi ni Esau nang ang mga ito'y magpunta sa Seir; itinaboy niya ang mga taga-Hor at ang lahi ni Esau ang nanirahan roon.

23. Ang mga taga-Awim naman sa Gaza ay itinaboy ng mga taga-Caftor at sila ang tumira roon.)

24. “At doon ay sinabi ni Yahweh, ‘Magpatuloy kayo; tumawid kayo sa Ilog Arnon. Mabibihag ninyo si Sihon, ang hari ng mga Amoreo sa Hesbon, at masasakop ninyo ang kanyang lupain. Kaya't simulan na ninyo ang pagsakop sa lupain niya.

25. Dahil sa gagawin ko ay matatakot sa inyo ang lahat ng bansa sa daigdig. Mabanggit lamang kayo'y manginginig na sila sa takot.’

26. “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan:

27. ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan.

28. Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami

29. tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’

30. “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin.

31. “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’

32. Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz.