Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 19:1-7 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Kapag nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon,

2. magbukod kayo ng tatlong lunsod.

3. Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya.

4. “Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away.

5. Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito.

6. Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay.

7. Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod.