Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 17:9-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol.

10. Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin.

11. Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila.

12. Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan.

13. Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.

14. “Kapag kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo.

15. Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan.

16. Ang gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon.

17. Hindi siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari.

18. Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita.