Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 16:7-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda.

8. Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon.

9. “Pagkalipas ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas,

10. ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo.

11. Kasama ninyo sa pagdiriwang ang inyong sambahayan, mga alipin, ang mga Levitang kasama ninyo, ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga babaing balo; gaganapin ninyo ito sa lugar na pipiliin ni Yahweh.

12. Huwag ninyong kalilimutang kayo'y naging alipin din sa Egipto, kaya't sundin ninyong mabuti ang kanyang mga tuntunin.

13. “Pitong araw na ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Tolda, matapos iligpit sa kamalig ang inyong inani at mailagay sa imbakan ang katas ng ubas.