Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 15:10-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin.

11. Kailanma'y hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.

12. “Kapag nakabili kayo ng kapwa ninyong Israelita bilang alipin, babae o lalaki man, anim na taon siyang maglilingkod sa inyo. Pagdating ng ikapitong taon, palalayain na ninyo siya

13. at huwag ninyo siyang paaalisin nang walang dala.

14. Sa halip, bibigyan ninyo siya ng tupa, trigo, inumin at langis, mula sa mga ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh.

15. Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y pinalaya kayo ng Diyos ninyong si Yahweh, kaya iniuutos ko ito ngayon sa inyo.

16. Ngunit kung gusto niyang manatili dahil sa pagmamahal niya sa inyo at sa inyong sambahayan,

17. dalhin ninyo siya sa may pintuan at butasan ang kanyang tainga. Sa gayon, siya'y magiging alipin ninyo habang buhay. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga aliping babae.