Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 13:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Kung sa inyo'y may lumitaw na propeta o nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip,

2. at nagpakita siya ng kababalaghan o kaya'y nagkatotoo ang kanyang pahayag, subalit hinihikayat kayong sumamba sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala,

3. huwag kayong makikinig sa kanya. Pagsubok lamang iyon ni Yahweh sa inyo kung talagang iniibig ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.

4. Si Yahweh lamang ang inyong sundin. Matakot kayo sa kanya at sundin ninyo ang kanyang mga utos. Paglingkuran ninyo siya, at manatili kayong tapat sa kanya.

5. At ang propetang iyon o ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip ay dapat patayin sapagkat inuudyukan niya ang mga tao upang maghimagsik kay Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto; hinihikayat nila kayong iwan ang daang itinuro niya sa inyo. Iyan ay masama at dapat ninyong iwasan.

6. “Sinuman ang lapitan ng kanyang kapatid, anak, asawa, o matalik na kaibigan upang lihim na hikayating sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala,

7. o kaya'y sa diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan ninyo, maging malapit o malayo,

8. huwag ninyo siyang papakinggan. Huwag ninyo siyang kaaawaan, o pagtatakpan.

9. Sa halip, patayin ninyo siya. Ang nilapitan ang unang babato sa kanya, pagkatapos ay ang taong-bayan.