Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 12:19-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang kayo'y nasa inyong lupain.

20. “Kapag napalawak na ni Yahweh ang lupaing nasasakop ninyo at ibig na ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo.

21. Kung kayo'y malayo sa lugar ng pagsamba na pinili niya, maaari ninyong patayin ang isa sa inyong mga hayop,

22. at kainin tulad ng pagkain ng usa. Lahat ay maaari nang kumain, maging ang taong itinuturing na malinis o marumi.

23. Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo sapagkat nasa dugo ang buhay; ang sangkap ng buhay ay hindi dapat kainin.

24. Huwag na huwag ninyong kakainin ang dugo, sa halip ay patuluin ito sa lupa.

25. Huwag ninyong kakainin iyon; magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh.

26. Ang lahat ng handog na dapat ninyong ibigay at ang inyong pangakong handog ay dadalhin ninyo sa lugar na pipiliin niya.

27. Ang inyong mga handog na susunugin, laman at dugo, ay ihahain ninyo sa altar niya. Ibubuhos ninyo sa altar ang dugo, at ang laman ay maaari ninyong kainin.

28. Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos.

29. “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon,

30. huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon.

31. Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog.

32. “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan.