Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 12:13-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Ngunit huwag na huwag kayong magsusunog ng handog kahit saan ninyo maibigan.

14. Doon lamang ninyo iaalay ang mga handog na susunugin at gagawin ang lahat ng iniuutos ko sa inyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh mula sa lupain ng isa sa inyong mga lipi.

15. “Kahit saan ay maaari kayong magpatay ng hayop at maaaring kumain ng karne nito hanggang gusto ninyo, katulad ng pagkain ng usa. Maaaring kumain nito pati ang mga itinuturing na marumi.

16. Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa.

17. Hindi rin ninyo maaaring kainin sa inyong mga tirahan ang mga ito: ang ikasampung bahagi ng inyong mga ani, alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang pangakong handog, kusang handog, at iba pang handog.

18. Ang mga ito ay maaari lamang ninyong kainin sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Maaari ninyong makasalo ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita bilang pagdiriwang dahil sa pagpapala sa inyo ni Yahweh.