Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 11:23-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

23. palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo.

24. Kung magkaganoon, ibibigay niya sa inyo ang lahat ng lupang matapakan ninyo; masasakop ninyo mula sa ilang hanggang Lebanon, at mula sa Ilog Eufrates sa gawing silangan hanggang Dagat Mediteraneo sa gawing kanluran.

25. Walang makakatalo sa inyo. Tulad ng pangako ng Diyos ninyong si Yahweh, sisidlan niya ng matinding takot ang lahat sa lupaing pupuntahan ninyo.

26. “Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa.

27. Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos,

28. ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos.

29. Kapag nadala na kayo ni Yahweh sa lupaing inyong sasakupin at aariin, ang pagpapala ay bibigkasin ninyo sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa'y sa Bundok ng Ebal.

30. Ang mga ito'y nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng Encinar ng Moreh, sa lansangang pakanluran, sa lupain ng mga Cananeo sa Araba.

31. Malapit na kayong tumawid ng Jordan upang sakupin ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Pagdating ninyo roon,

32. sundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at tuntuning inilahad ko ngayon sa inyo.