Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 11:13-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. “Kaya nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa,

14. sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis.

15. Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay.

16. Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan.

17. Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.

18. “Itanim nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo.

19. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga.

20. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan

21. upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa.

22. “Kapag sinunod ninyong mabuti ang kanyang mga utos, inibig siya nang tapat, sinundan ang kanyang mga landas, at nanatili kayo sa kanya,

23. palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo.