Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 11:10-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin.

11. Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan.

12. Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh.

13. “Kaya nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa,

14. sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis.

15. Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay.

16. Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan.

17. Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.

18. “Itanim nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo.

19. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga.

20. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan

21. upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa.