Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 10:8-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Noon pinili ni Yahweh ang mga Levita upang magbuhat ng Kaban ng Tipan, tumulong sa paglilingkod sa kanya, at magbasbas sa kanyang pangalan tulad ng ginagawa nila ngayon.

9. Dahil dito, walang kaparte ang mga Levita sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Si Yahweh ang bahagi nila, tulad ng pangako niya.)

10. “Tulad noong una, apatnapung araw at gabi akong nanatili sa bundok at pinakinggan naman ako ni Yahweh. Dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na pagpuksa sa inyo.

11. Sinabi niya sa akin na pangunahan kayo sa paglalakbay at pagsakop sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno.

12. “Bayang Israel, ano nga ba ang nais ni Yahweh mula sa inyo? Ang gusto lang naman niya'y igalang ninyo siya, sundin ang kanyang mga utos, ibigin siya, paglingkuran ng buong puso't kaluluwa,

13. at tuparin ang kanyang mga bilin at tuntunin. Ito rin naman ay para sa inyong kabutihan.

14. Ang pinakamataas na langit, ang daigdig at ang lahat ng narito ay kay Yahweh.

15. Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa.

16. Kaya nga, maging masunurin kayo at huwag maging matigas ang inyong ulo.