Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 1:34-46 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

34. “Narinig ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya:

35. ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno,

36. maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’

37. Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon.

38. Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’

39. “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito.

40. Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’

41. “Sinabi naman ninyo sa akin noon, ‘Nagkasala kami kay Yahweh. Pupunta na kami roon at makikipaglaban tulad ng iniutos niya sa amin.’ At kayong lahat ay dali-daling nagsakbat ng sandata sapagkat akala ninyo'y madali lamang ang paglusob sa kaburulan ng mga Amoreo.

42. “Ipinapigil kayo sa akin ni Yahweh sapagkat hindi niya kayo papatnubayan, at malulupig lamang kayo ng inyong sasalakayin.

43. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ni Yahweh at nagpatuloy kayo sa inyong paglusob.

44. Kaya naman parang mga bubuyog na dinagsa kayo ng mga Amoreo; ginapi nila kayo at tinugis hanggang Horma.

45. Dumaing kayo kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo pinakinggan o pinansin man lamang.

46. “Kaya, napilitan kayong tumigil nang matagal sa Kades.