Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 1:20-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Sinabi ko sa inyo noon, ‘Narito na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo, sa lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.

21. Ang lupaing ito'y inihanda na niya sa atin. Huwag na kayong mag-atubili ni matakot man. Sakupin na ninyo agad iyon tulad ng ipinagbilin sa atin ng Diyos ng ating mga ninuno.’

22. Ngunit hiniling ninyo na magpadala muna tayo ng mga espiya upang pag-aralan kung paano natin papasukin ang lugar na iyon.

23. Sa tingin ko'y mabuti ang sinabi ninyo, kaya pumili ako ng labindalawang kalalakihan, isa sa bawat lipi.

24. Pumunta sila sa kaburulang iyon hanggang sa libis ng Escol at doo'y nagsiyasat.

25. Nang sila'y magbalik, may dala silang mga prutas mula roon, at sinabi nilang maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh.

26. “Ngunit hindi kayo nagpunta; sa halip ay sinuway ninyo ang utos ni Yahweh.

27. Lihim kayong nag-usap-usap sa inyong mga tolda. Ang sabi ninyo, ‘Marahil ay galit sa atin si Yahweh kaya niya tayo inilabas sa Egipto at dinala rito upang ipapatay sa mga Amoreo.

28. Paano tayo makakarating sa lupaing iyon. Nakakatakot palang pumunta roon. Mas malalaki pala kaysa sa atin ang mga tao roon, malalaki ang lunsod, at ang pader ay abot sa langit; may mga higante pa roon!’

29. “Ang sabi ko naman sa inyo, ‘Huwag kayong matakot sa kanila

30. sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang.

31. Dinala niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak.’

32. Sa kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya

33. gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan.

34. “Narinig ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya:

35. ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno,

36. maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’

37. Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon.

38. Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’

39. “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito.

40. Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’