Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 1:16-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man.

17. Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol.

18. Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

19. “Bilang pagsunod sa utos ni Yahweh, nagpatuloy tayo ng paglalakbay mula sa Sinai. Pinasok natin ang napakalawak at nakakatakot na ilang bago tayo nakarating sa kaburulan ng mga Amoreo. At narating nga natin ang Kades-barnea.

20. Sinabi ko sa inyo noon, ‘Narito na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo, sa lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.

21. Ang lupaing ito'y inihanda na niya sa atin. Huwag na kayong mag-atubili ni matakot man. Sakupin na ninyo agad iyon tulad ng ipinagbilin sa atin ng Diyos ng ating mga ninuno.’

22. Ngunit hiniling ninyo na magpadala muna tayo ng mga espiya upang pag-aralan kung paano natin papasukin ang lugar na iyon.

23. Sa tingin ko'y mabuti ang sinabi ninyo, kaya pumili ako ng labindalawang kalalakihan, isa sa bawat lipi.

24. Pumunta sila sa kaburulang iyon hanggang sa libis ng Escol at doo'y nagsiyasat.

25. Nang sila'y magbalik, may dala silang mga prutas mula roon, at sinabi nilang maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh.