Magandang Balita Biblia Revisi

Deuteronomio 1:1-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab.

2. (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.)

3. Nang unang araw ng ikalabingisang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh.

4. Nalupig na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei.

5. Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan.Ang sabi niya,

6. “Nang tayo'y nasa Sinai, ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito.

7. Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates.

8. Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’”

9. Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa.

10. Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit.

11. Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit.

12. Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin?

13. Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo,

14. at sumang-ayon naman kayo sa akin.

15. Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.