Magandang Balita Biblia Revisi

2 Samuel 18:17-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita.

18. Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom.

19. Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Hayaan ninyo akong tumakbo upang maibalita ko agad sa hari na siya'y nailigtas na ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.”

20. Ngunit sinabi ni Joab, “Huwag mong gagawin iyan sa araw na ito. Ipagpaliban mo na sa ibang araw sapagkat namatay ang anak ng hari.”

21. At inutusan niya ang isang aliping Cusita para ibalita kay David ang nangyari. Nagbigay-galang muna ito kay Joab, bago patakbong umalis.

22. Nagsumamo kay Joab si Ahimaaz: “Anuman po ang mangyari'y pahintulutan ninyong sundan ko ang Cusita.”“Bakit, anak ko?” tanong ni Joab. “Wala kang mapapala sa pagbabalita mo.”

23. “Kahit po anong mangyari, basta't pahintulutan ninyo ako,” wika niya.“Sige, tumakbo ka,” wika ni Joab. Tumakbo nga si Ahimaaz at dumaan sa Libis ng Jordan at naunahan pa niya ang aliping Cusita.

24. Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lunsod. Umakyat naman sa tore ng pader ang isang bantay. Pagtanaw niya'y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit.

25. Sumigaw siya sa hari at sinabi ang kanyang nakita. Sabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, tiyak na magandang balita ang dala niya.”