Magandang Balita Biblia Revisi

2 Samuel 16:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Si David ay pababa na noon sa bundok nang sa di kalayua'y nakasalubong niya si Ziba, ang alipin ni Mefiboset. Ito'y may akay na dalawang asno na may kargang dalawandaang pirasong tinapay, sandaang kumpol ng pasas, sandaang buwig ng sariwang prutas, at isang sisidlang balat na puno ng alak.

2. “Anong gagawin mo sa mga 'yan, Ziba?” tanong ng hari.Sumagot si Ziba, “Ang dalawang asno ay para sakyan ng inyong pamilya, ang tinapay at ubas ay pagkain ng inyong mga alipin, at ang alak po nama'y para sa sinumang manghihina sa ilang.”

3. “Saan naroon ang anak ng iyong panginoong si Saul?” tanong ng hari.“Nasa Jerusalem po,” tugon ni Ziba, “sapagkat ang paniwala po niya'y ibibigay na sa kanya ang kaharian ng kanyang ama.”

4. Sinabi ng hari, “Ziba, ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset ay magiging iyo.”Sumagot si Ziba, “Pag-utusan po ninyo ang inyong lingkod; maging karapat-dapat sana ako sa inyong pagtitiwala.”

5. Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagmumura. Ito'y si Simei na anak ni Gera.

6. Pinagbabato niya si David at ang mga tauhan nito, kahit napapaligiran ang hari ng kanyang mga bantay at kawal.

7. Ganito ang kanyang isinisigaw: “Lumayas ka! Lumayas ka! Mamamatay-tao! Kriminal!

8. Naghiganti na sa iyo si Yahweh dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Tapos na ang mga maliligayang araw mo; isa kang mamamatay tao!”