Magandang Balita Biblia Revisi

2 Pedro 2:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong nagligtas sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak.

2. At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay mapaparatangan ng masama.

3. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang matatamis na pananalita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.

4. Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom.

5. Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama.

6. Sinumpa at tinupok ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan.

7. Ngunit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang namighati dahil sa mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya.

8. Naghihirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon.

9. Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paanong paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan,