Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Taga-Tesalonica 3:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at pahalagahan ng lahat, tulad ng ginagawa ninyo.

2. Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong masasama at walang kinikilalang Diyos, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.

3. Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama.

4. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.

5. Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan na kayo ay mahal ng Diyos at si Cristo ang nagpapatatag sa inyo.

6. Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga itinuro namin sa inyo.

7. Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo.

8. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo.

9. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan.

10. Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.”