Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Taga-Tesalonica 2:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo

2. na huwag agad magúgulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin.

3. Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail na tiyak na mapapahamak.

4. Itataas niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.

5. Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo.

6. Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon.

7. Ngayon pa man ay palihim na siyang gumagawa ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang,

8. mahahayag na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong Jesus, papatayin niya ang Suwail sa pamamagitan lamang ng pag-ihip at pupuksain niya ito sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag.

9. Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan.