Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Taga-Tesalonica 1:7-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin sa pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel.

8. Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumilala sa Diyos at hindi sumunod sa Magandang Balita ng ating Panginoong Jesus.

9. Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan.

10. Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagparito upang tanggapin ang papuri mula sa kanyang mga pinili at ang parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat tinanggap ninyo ang Magandang Balitang ipinahayag namin sa inyo.

11. Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya.

12. Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.