Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 9:7-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay.

8. Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya.

9. Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias.

10. Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.

11. Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?”Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.”

12. “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila.At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’”

13. Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!”

14. Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria.

15. Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.”

16. Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda.

17. Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.”Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.”

18. Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.”Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.”Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.”

19. Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.”