Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 9:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito.

2. Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid.

3. Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.”

4. Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta.

5. Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.”Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?”“Kayo po,” sagot ng propeta.

6. Tumindig si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay.Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan.

7. Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay.

8. Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya.

9. Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias.

10. Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.