Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 8:2-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

3. Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.

4. Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.”

5. Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.”

6. Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga.Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.”

7. Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo,

8. inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi.

9. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”

10. Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.”

11. At tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo.

12. Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13. “Paano ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.”

14. At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael.