Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 8:12-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13. “Paano ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.”

14. At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael.

15. Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay.At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria.

16. Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel, si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda.

17. Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem.

18. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan.

19. Gayunman, hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon.

20. Sa panahon ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari.

21. Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay.

22. Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom. Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna.

23. Ang iba pang ginawa ni Jehoram ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

24. Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias.

25. Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab.