Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 6:11-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”

12. Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”

13. Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan,

14. kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.

15. Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”

16. Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.”

17. At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.

18. Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo.

19. Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria.

20. Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.

21. Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”

22. Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.”

23. Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.

24. Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria.

25. Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati.

26. Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!”

27. Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas.

28. Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari.Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin.