Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 4:27-35 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

27. Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”

28. Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”

29. Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30. Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31. Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32. Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan.

33. Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh.

34. Dinapaan niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay.

35. Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata.