Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 23:16-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Nang makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta.

17. Nang makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.

18. Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.

19. Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel.

20. Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.

21. Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.”