Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 22:11-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan.

12. Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya,

13. “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”

14. Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira.

15. Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito:

16. ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan.

17. Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan.

18. Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito:

19. Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan.

20. Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.