Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 21:11-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan,

12. paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan.

13. Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob.

14. Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway.

15. Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16. Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17. Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

18. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari.

19. Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba.

20. Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

21. Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan,

22. tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito.

23. Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo.

24. Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

25. Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.