Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 21:11-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan,

12. paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan.

13. Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob.

14. Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway.

15. Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16. Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17. Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.