Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 20:3-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. “Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan.” At buong kapaitang umiyak si Ezequias.

4. Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh,

5. “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo.

6. Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’”

7. Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.

8. Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?”

9. Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?”

10. Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.”

11. Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.

12. Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo.

13. Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.