Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 2:3-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

4. Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

5. Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

6. Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad.

7. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan.

8. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

9. Pagkatawid nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10. Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.”

11. Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12. Kitang-kita ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan.

13. Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan.

14. Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

15. Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran.

16. Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”Sinabi niyang huwag na.