Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 18:23-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

23. Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng dalawang libong kabayo kung may sapat siyang tauhan na sasakay sa mga ito.

24. Kung sa mga karwahe at mangangabayo ng Egipto siya aasa, paano niya malalabanan kahit na ang pinakamahinang kawal ng aming hari?

25. Huwag niyang isiping hindi alam ni Yahweh na ako'y naparito upang wasakin ang Jerusalem. Siya pa nga ang maysabi sa aking salakayin ko ito at wasakin.”

26. Sinabi nina Eliakim, Sebna at Joa sa opisyal ng Asiria, “Nakikiusap kami sa inyo na sa wikang Arameo na lamang ninyo kami kausapin sapagkat naiintindihan din namin ito. Huwag ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo sapagkat nakikinig ang aming mga kababayan na nakatira sa tabi ng pader ng lunsod.”

27. Ngunit sinabi ng opisyal, “Ito'y hindi lamang ipinapasabi ng aming panginoon sa inyo at sa inyong hari kundi pati sa inyong mga kababayan, sapagkat pare-pareho kayong kakain ng inyong dumi at iinom ng inyong ihi.”

28. Tumayo ang opisyal at sumigaw sa wikang Hebreo, “Ipinapasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria,

29. na huwag ninyong paniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari.

30. Huwag kayong maniniwala sa kanya kahit sabihin sa inyo na ililigtas kayo ni Yahweh, at ang lunsod na ito ay hindi masasakop ng hari ng Asiria.

31. Huwag ninyong papakinggan si Ezequias. Ipinapasabi pa ng hari ng Asiria na sumuko na kayo at makipagkasundo sa kanya. At makakain ninyo ang bunga ng inyong mga ubasan at mga punong igos. Iinom din kayo ng tubig sa inyong mga balon,

32. hanggang sa mailipat ko kayo sa isang lupaing tulad ng inyong lupain na sagana sa butil at alak, sa tinapay at bungangkahoy sa mga olibo, langis at pulot. Ang piliin ninyo'y buhay at hindi kamatayan. Huwag ninyong paniwalaan si Ezequias kahit sabihin niyang ililigtas kayo ni Yahweh.

33. Mayroon na bang diyos ng alinmang bansa ang nakapagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria?

34. Ang Samaria ba'y nailigtas ng mga diyos ng Hamat, ng Arpad, ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva nang lusubin ito ng aming hari?

35. Kung ang bayan nila'y hindi nailigtas ng mga diyos na iyon laban sa aming hari, paano ngang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem?”

36. Hindi sumagot kahit isang salita ang mga tao sapagkat iyon ang bilin ni Haring Ezequias.

37. Pinunit nina Sebna, Joa at Eliakim na anak ni Hilkias ang kanilang kasuotan at nagbalik kay Ezequias. Isinalaysay nila sa hari ang sinabi sa kanila ng opisyal ng Asiria.