Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 18:15-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Tinipon ni Ezequias ang lahat ng pilak sa Templo at sa kabang-yaman ng palasyo at ibinigay kay Senaquerib.

16. Pati ang mga gintong nakabalot sa mga pinto ng Templo at sa mga poste sa pintuan ay tinuklap niya at ibinigay din sa hari ng Asiria.

17. Mula sa Laquis, ang heneral, ang pinuno ng mga lingkod at ang pinuno ng mga tagapagbigay-inumin sa hari, kasama ang maraming kawal, ay sinugo ni Haring Senaquerib kay Haring Ezequias sa Jerusalem. Pagdating doon, humanay sila sa may daluyan ng tubig mula sa tangke sa itaas sa may daan papunta sa lugar na pinagtatrabahuhan ng manggagawa ng tela.

18. Nang ipatawag nila ang hari, dumating si Eliakim na anak ni Hilkias at tagapamahala sa palasyo, si Sebna na kalihim ng hari, at si Joa na anak ni Asaf at namamahala sa pagtatago ng mga dokumento.

19. Sinabi sa kanila ng isang opisyal ng Asiria, “Sabihin ninyo kay Ezequias na ipinapatanong ng makapangyarihang hari ng Asiria kung ano ang kanyang ipinagmamalaki.

20. Sabihin din ninyo sa kanya na ang digmaan ay hindi nakukuha sa salita. Sino ba ang kanyang inaasahan at naghihimagsik siya laban sa makapangyarihang hari ng Asiria?

21. Ang Egipto ba na parang baling tungkod na kung hahawakan ay makakasakit?

22. Hindi rin niya maaasahan ang tulong ni Yahweh. Hindi ba't ipinagiba na niya ang mga altar nito? Hindi ba't sinabi niya sa mga taga-Juda na sa altar lamang na nasa Jerusalem dapat sumamba?

23. Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng dalawang libong kabayo kung may sapat siyang tauhan na sasakay sa mga ito.