Magandang Balita Biblia Revisi

2 Mga Hari 18:12-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Nangyari ito sa kanila sapagkat sinuway nila si Yahweh na kanilang Diyos at sinira ang kasunduang ginawa sa kanila sa pamamagitan ni Moises na lingkod ni Yahweh.

13. Nang ikalabing apat na taon ng paghahari ni Ezequias, sinakop ni Senaquerib na hari ng Asiria ang mga lunsod ng Juda na napapaligiran ng pader.

14. Kaya, si Haring Ezequias ng Juda ay nagpadala ng ganitong mensahe kay Haring Senaquerib ng Asiria na noon ay nasa Laquis, “Nagkamali ako. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng hingin mo, huwag mo lang kaming sakupin.” Dahil dito, sila'y hiningan ni Senaquerib ng 10,500 kilong pilak at 1,050 kilong ginto.

15. Tinipon ni Ezequias ang lahat ng pilak sa Templo at sa kabang-yaman ng palasyo at ibinigay kay Senaquerib.

16. Pati ang mga gintong nakabalot sa mga pinto ng Templo at sa mga poste sa pintuan ay tinuklap niya at ibinigay din sa hari ng Asiria.

17. Mula sa Laquis, ang heneral, ang pinuno ng mga lingkod at ang pinuno ng mga tagapagbigay-inumin sa hari, kasama ang maraming kawal, ay sinugo ni Haring Senaquerib kay Haring Ezequias sa Jerusalem. Pagdating doon, humanay sila sa may daluyan ng tubig mula sa tangke sa itaas sa may daan papunta sa lugar na pinagtatrabahuhan ng manggagawa ng tela.

18. Nang ipatawag nila ang hari, dumating si Eliakim na anak ni Hilkias at tagapamahala sa palasyo, si Sebna na kalihim ng hari, at si Joa na anak ni Asaf at namamahala sa pagtatago ng mga dokumento.

19. Sinabi sa kanila ng isang opisyal ng Asiria, “Sabihin ninyo kay Ezequias na ipinapatanong ng makapangyarihang hari ng Asiria kung ano ang kanyang ipinagmamalaki.

20. Sabihin din ninyo sa kanya na ang digmaan ay hindi nakukuha sa salita. Sino ba ang kanyang inaasahan at naghihimagsik siya laban sa makapangyarihang hari ng Asiria?

21. Ang Egipto ba na parang baling tungkod na kung hahawakan ay makakasakit?

22. Hindi rin niya maaasahan ang tulong ni Yahweh. Hindi ba't ipinagiba na niya ang mga altar nito? Hindi ba't sinabi niya sa mga taga-Juda na sa altar lamang na nasa Jerusalem dapat sumamba?

23. Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng dalawang libong kabayo kung may sapat siyang tauhan na sasakay sa mga ito.

24. Kung sa mga karwahe at mangangabayo ng Egipto siya aasa, paano niya malalabanan kahit na ang pinakamahinang kawal ng aming hari?

25. Huwag niyang isiping hindi alam ni Yahweh na ako'y naparito upang wasakin ang Jerusalem. Siya pa nga ang maysabi sa aking salakayin ko ito at wasakin.”

26. Sinabi nina Eliakim, Sebna at Joa sa opisyal ng Asiria, “Nakikiusap kami sa inyo na sa wikang Arameo na lamang ninyo kami kausapin sapagkat naiintindihan din namin ito. Huwag ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo sapagkat nakikinig ang aming mga kababayan na nakatira sa tabi ng pader ng lunsod.”

27. Ngunit sinabi ng opisyal, “Ito'y hindi lamang ipinapasabi ng aming panginoon sa inyo at sa inyong hari kundi pati sa inyong mga kababayan, sapagkat pare-pareho kayong kakain ng inyong dumi at iinom ng inyong ihi.”

28. Tumayo ang opisyal at sumigaw sa wikang Hebreo, “Ipinapasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria,

29. na huwag ninyong paniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari.