Magandang Balita Biblia Revisi

1 Pedro 4:4-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y sinisiraan nila,

5. ngunit mananagot sila sa Diyos na hahatol sa mga buháy at sa mga patay.

6. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

7. Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin.

8. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan.

9. Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay.

10. Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat.

11. Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.

12. Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan.