Magandang Balita Biblia Revisi

1 Pedro 3:7-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.

8. Sa aking pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbabá.

9. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos.

10. Ayon sa nasusulat,“Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,dila nila'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.Ang anumang panlilinlang at madayang pananalitasa kanyang mga labi ay di dapat lumabas.

11. Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.

12. Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig,ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!”

13. At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan?

14. At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila.

15. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo.

16. Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali.

17. Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama.

18. Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu.

19. Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo.