Magandang Balita Biblia Revisi

1 Pedro 3:12-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig,ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!”

13. At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan?

14. At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila.

15. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo.

16. Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali.

17. Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama.

18. Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu.

19. Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo.

20. Sila ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila'y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang malaking barko. Iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa baha.

21. Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Ang bautismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,

22. na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.