Magandang Balita Biblia Revisi

1 Pedro 1:17-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay.

18. Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak,

19. kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan.

20. Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon.

21. Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

22. Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan.

23. Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buháy at di nagbabagong salita ng Diyos.